Mga silid sa isang hotel sa Peru, nakasabit sa bangin
BAWAL ang mga may takot sa matataas na lugar sa isang kakaibang hotel sa Peru dahil ang mga silid sa nasabing hotel ay pawang mga nakasabit sa isang bangin. Hindi lang iyon, dahil transparent din ang mga pader at sahig nito kaya kitang-kita ng mga tumutuloy ang taas ng kanilang kinalalagyan. Dahil din sa pagiging transparent ng mga pader at sahig ay kitang-kita tuloy sa lahat ng anggulo ang kagandahan ng tanawin sa Cusco, Peru.
Ngunit kailangan talaga ng lakas ng loob para sa mga gustong makapunta at mamalagi sa Nature Vive Skylodge. Pagpunta pa lang kasi sa hotel ay buwis-buhay na. Lubhang matarik kasi ang kinatatayuan ng hotel kaya kailangang maga-ling sa rock climbing ang gustong makarating doon.
Ang mga kuwarto ng hotel ay may sukat na 24 by 8 na talampakan at gawa ang mga ito sa aluminum na ginagamit sa mga sasakyang panghimpapawid at weather-resistant na polycarbonate. Kaya naman kahit napaka-peligroso ng kinatatayuan ng mga hotel room ay makakasigurado ang mga panauhin na ligtas ang mga ito.
May apat na kama ang bawat silid bukod pa sa sarili nitong dining area at banyo. Kaya ng bawat silid ang bigat ng hanggang walong katao.
Aabot ng $300 (katumbas ng higit sa P14,000) ang halaga ng pamamalagi ng isang gabi sa Nature Vive Skylodge at kasama na sa nasabing presyo ang zipline pababa ng matarik na bundok. Bagama’t may kamahalan ay sigurado namang makakaranas ng once-in-a-lifetime experience ang mga tutuloy sa kakaibang hotel na ito.
- Latest