Mayang (139)
“BAGO pala namatay si Puri ay gumawa pa ng drama—gusto pang sirain ang pagsasama natin,’’ sabi ni Jeff na may halong inis sa boses.
“Gusto ko na ngang maniwala pero naisip ko, hindi mo magagawa iyon.’’
“Talagang hindi dahil ikaw lang ang mahal ko.”
“Naniniwala ako sa’yo, Jeff.’’
“Paano niya sinabi iyon?’’
“Sabi niya, siya raw ang una mong minahal at hindi ako.”
“Paano mangyayari yun e magkasintahan na tayo nang magkakilala kayo sa Dubai, di ba?”
“Oo. Ipinakilala nga kita sa kanya di ba?”
“Oo. Dalawang beses lang yata kami nag-meet.’’
“Oo—two times lang. Yung ikalawa ay nung malapit na tayong umuwi sa Pinas.”
“Tama.’’
“Pero one time, may sinabi si Puri sa akin na parang gusto ka niya. Hindi naman lantarang sinabi pero sa himig ng pananalita ay parang may niloloob sa iyo. Sabi pa niya, mabait ka raw. Pero hindi ko binigyan ng kahulugan ang mga papuri niya sa iyo. Sa loob ko lang, humahanga lang siya.”
“Alam mo nang hanapin ko siya sa Sulucan, Sampaloc noon para itanong kung nasaan ka, wala siyang gustong sabihin. Parang hindi ka niya kilala. Tinanong ko siya kung saan ka makikita, wala raw siyang alam. Totoo ba yun na wala siyang alam sa’yo?”
“Hindi. Alam niya kung nasaan ako. Di ba kukunin ko siyang bridesmaid sa kasal natin. Alam niya kung saan ako pupuntahan.”
“Ang sabi pa niya, huwag na raw kitang hanapin dahil mayroon ka na raw ibang mahal. Bakit daw magpapakahirap pa ako sa paghahanap sa’yo ay nasa harapan ko naman siya.’’
“Sinabi niya iyon, Jeff?’’
“Oo.’’
“May pagkakataon na naghubad siya sa harap ko.’’
Hindi humihinga si Mayang habang nakikinig kay Jeff.
Nagpatuloy si Jeff sa pagkukuwento.
“Pilit na pinag-alukan ni Puri ang sarili sa akin. Huwag na raw kitang hanapin dahil may iba ka ng lalaki. Sayang lang daw ang paghahanap ko.
“Ipinakita niya ang lahat-lahat sa akin…”
(Itutuloy)
- Latest