Babae sa Malaysia, araw-araw sumasakay ng eroplano para makapasok sa trabaho
PARA sa karamihan, ang biyahe papasok ng trabaho ay tren, bus, jeep o kotse. Pero para kay Racheal Kaur, isang ina sa Malaysia, eroplano ang kanyang “daily commute”!
Araw-araw siyang lumilipad mula Penang patungong Kuala Lumpur para magtrabaho at umuuwi rin sa gabi para makasama ang kanyang mga anak.
Gumigising siya ng 4:00 a.m. dahil kailangang nasa airport na siya ng 5:00 at lilipad bago mag 6:00. Pagdating sa opisina ng 7:45, nagtatrabaho siya buong araw bago sumakay muli ng eroplano pauwi. Bago mag 8:00 p.m. nasa bahay na siya, kasama ang kanyang pamilya.
Mas mura pa nga raw ito kaysa sa dati niyang gastusin sa renta at pagkain noong naninirahan siya malapit sa trabaho.
Dahil isa siyang Assistant Manager sa Finance Department ng isang airline, may discount siya sa plane ticket. Dati, gumagastos siya ng $474 kada buwan, pero ngayon, bumaba ito sa $316 lang.
Sa eroplano, nagkakaroon siya ng oras para maglibang tulad ng nakikinig ng music, nagmumuni-muni, at pinagmamasdan ang tanawin.
Mas gusto rin niyang nasa opisina kaysa mag-work from home dahil mas produktibo siya sa personal na pakikisalamuha sa mga katrabaho.
Maraming namangha sa kanyang sakripisyo, pero may ilan ding nagsabing, “Are you crazy?” Para kay Kaur, sulit ang lahat. “Sa oras na makita ko ang mga anak ko, nawawala ang pagod,” aniya.
Patuloy niyang gagawin ang kakaibang routine na ito, patunay na walang hadlang sa isang ina pagdating sa pagmamahal sa pamilya!
- Latest