EDITORYAL - Inaabuso ang EDSA Busway

MASYADO nang inaabuso ng mga “VIP” ang EDSA Busway. Kahit alam nilang bawal dumaan doon, patuloy pa rin sila. Doon nagdaraan ang sasakyan ng senador, congressman, mayor, pulis at iba pang may koneksiyon sa pamahalaan para makaiwas sa trapik.
Noong nakaraang linggo, pinanukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na aalisin ang EDSA Busway. Kapag wala na raw ang busway, luluwag na ang EDSA. Pero tinutulan ito. Hindi raw ito solusyon sa problema ng trapiko.
May nagsabi na kaya raw aalisin ang EDSA Busway ay para maiwasan na ang ginagawang illegal na pagdaan ng VIP sa EDSA Busway. Masyado na raw ang ginagawang pag-abuso ng mga VIP mas mabuti pang alisin na ito.
Daming sasakyan ng VIP ang dumadaan sa busway at ang matindi, tinatakasan at pinagbabantaan pa ang mga traffic enforcers na sumisita. Bagama’t may mga natitiketan, mayroon din namang mga tumatakas at may gusto pang managasa ng traffic enforcer.
Noong Noyembre 3, 2024, sinita ng babaing MMDA traffic enforcer ang isang Cadillac na pumasok sa EDSA busway pero tinangka itong sagasaan. Nag-dirty finger naman ang lalaking nasa loob ng SUV. Nakilala ang driver na si Angelito Edpan at ang minamaneho niyang Cadillac ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation na pag-aari naman ng ama at kapatid ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Noong Abril 11, 2024, isang itim na SUV na may plakang “7” ang dumaan sa busway. Hinarang ng MMDA traffic enforcers. Pero pinaharurot pa. Hindi nalaman kung sinong senador ang sakay. Lumipas ang tatlong araw bago lumabas ang may-ari ng sasakyan—si Sen. Francis Escudero. Humingi ng paumanhin si Escudero at sinabihan ang drayber na magtungo sa MMDA.
Noong nakaraang linggo, dumaan sa bus lane ang sasakyan ng anak ni Sen. Raffy Tulfo na si Quezon City Rep. Ralph Wendel Tulfo. Humingi ng paumanhin ang senador sa ginawa ng anak na kongresista. Sabi ni Tulfo, hindi naman daw tumakas at hindi naging abusado ang anak. Nang linggo ring iyon, dumaan din sa bus lane ang sasakyan ni Sen. Manny Pacquiao. Hinarang ito ng traffic enforcers.
Marami pang sasakyan ng VIP ang nahuli dahil sa pagdaan sa EDSA Busway. Alam nilang bawal pero ginagawa. Dapat magpakita sila ng halimbawa sapagkat inihalal sila ng taumbayan. Hindi nila dapat abusuhin ang EDSA Busway dahil sila ay nasa katungkulan. Dapat nilang tandaan na taumbayan ang naglagay sa kanila sa puwesto.
- Latest