EDITORYAL – Maging epektibong modelo sana ang mga pulitiko
HINDI malilimutan ang paghahamunan ng presidentiables na sina Mar Roxas at Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo. Nakatanim na iyon sa isipan nang marami lalo ang kabataan. Hindi na iyon mabubura kahit nanahimik na ang pagbabatuhan nila ng salita. Siguro, kung nag-isip muna sila bago ibinuka ang bibig, hindi nangyari ang dakdakan at paghahamunan.
Nagbatuhan nang maaanghang na salita si Roxas at Duterte hanggang sa maghamunan ng sampalan at sa huli ay suntukan. Marami ang nakapanood at nakarinig ng paghahamunan. Sinabi pa kung saan magkikita para maidaos ang sampalan at suntukan.
Kung napanatili sana nila ang kahinahunan, hindi aabot sa punto ng hamunan ang pangyayari. Kung nakapag-isip-isip sana sila, hindi na pawang pagmumura ang namutawi sa kanilang labi. Hindi na nila nakontrol ang sarili kaya nalantad ang kanilang nakatagong ugali.
Maski si dating President Fidel V. Ramos ay nagkomento sa nangyaring hamunan nina Roxas at Duterte. Sabi ni Ramos, dapat umaktong global leaders ang dalawa. Dapat daw maging role model sina Roxas at Duterte sapagkat mataas na posisyon ang kanilang hinahangad.
Isa sa mga pagbabatayan ng taumbayan sa pagpili nila nang susunod na presidente ay ang mga ikinikilos ng mga nagnanais sa mataas na puwesto. Malaking kabawasan para sa presidentiables ang makita na wala silang control sa pagsasalita at may paghahamunan pa.
Kapayapaan ang hinahangad ng mamamayan para sa bansang ito subalit kakatwa ang sinasabi ng mga nais mamuno na ipino-promote ang pag-aaway. Ang kailangan ng bansang ito ay matapang na lider para lumaban sa kahirapan at korupsiyon at hindi sa suntukan o sampalan o pakikipagpalitan nang maaanghang na salita. Maging mabuting halimbawa sana ang mga taong naghahangad maglingkod sa bayan.
- Latest