EDITORYAL — Party-list system: Ibasura o ireporma

HINDI naisakatuparan ng Party-List System Act (Republic Act 7941) ang layunin na kumatawan sa marginalized sector ng lipunan. Sa halip na irepresenta ang mga mahihirap, ginagamit ito ng mga political clan para palawakin at panatilihin ang kanilang pamilya sa kapangyarihan. Malaking kabiguan ang pagpasa sa nasabing batas na inakda noong 1995 at unang pinatupad noong 1998 elections. Mula noon, lantaran na ang pag-abuso nang maraming sector na ang sariling kapakinabangan ang inaatupag.
Sa darating na May 2025 midterm elections, 156 party-list ang inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec). Sabi ng Comelec, sinala nilang mabuti ang 156 at sinigurong kumakatawan ang mga ito sa marginalize sector ng lipunan. Ayon sa Comelec, mula sa orihinal na 190 party-list groups na nagsumite ng akreditasyon, 156 ang kanilang pinayagan na makalahok.
Subalit ayon sa grupong Kontra Daya 55.13 percent ng 156 party-list groups ay kabilang sa political dynasties, malalaking kompanya, mga pulis at military. Nalaman din ng Kontra Daya na may party-list groups na may mga nakabinbing kaso ng korapsiyon samantalang ang iba pa ay may mga kahina-hinalang adbokasiya.
Nadismaya naman si Senate President Francis Escudero nang malaman ang natuklasan ng Kontra Daya. Ayon kay Escudero, nasira na ang hangarin ng party-list system. Sabi pa ni Escudero, mistulang na-hijack na ang party-list system nang manguna sa survey ang mga party-list group na hindi kumakatawan sa marginalized sector ng lipunan.
Sinabi ni Natalie Pulvinar, executive director ng Center for People Empowerment and Governance (Cenpeg) na ang mga nominado sa party-list ay pawang nagmula sa political dynasties, retired government officials, at mayayamang negosyante. Nangingibabaw umano ang mga elite na hindi nagsusulong ng kapakanan ng mga maliliit at naghihikahos sa lipunan.
Sa nangyayaring ito, nawala na ang tunay na layunin ng Party-list System Act na inakda noong 1995 na magkaroon ng kinatawan ang mga mahihirap, manggagawa, kababaihan, kabataan, katutubo at iba pang kabilang sa marginalized sector. Hindi na nangyayari ito dahil namanipula na ng mga mayayaman at maiimpluwensiya ang sistema.
Nararapat na ireporma ang party-list system. Kung hindi ito gagawin, mawawalan ng saysay ang batas. Lalabas na nilikha ito para lamang sa mga makapangyarihan at mapang-abuso. Dapat nang malansag ang political family na namamayani sa party-list group.
- Latest