EDITORYAL – ‘Twerk’ na daan
BINABATIKOS ang Liberal Party dahil sa umano’y malaswang game o palabas na ginawa ng grupong Playgirls sa birthday party ng isang congressman sa Laguna noong nakaraang Linggo. Inimbitahan ang Playgirls para magsagawa ng number sa program. Pero hindi ikinatuwa nang marami ang ginawa ng Playgirls sapagkat nabastusan sa ginawang pagsasayaw na tinawag na “Twerk” (twist at jerk). May mga lalaking tinawag sa stage at saka pinahiga at umibabaw sa kanila ang dancers. Ini-upload sa YouTube ang programa at lalo nang maraming nainis na netizen dahil sa umano’y kalaswaan. Nakita pa sa video na may mga batang nanonood sa programa.
Nang tanungin kung sino ang nag-imbita sa Playgirls, sinabing si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman daw. Pero itinanggi ito ni Tolentino. Nagkamali lang daw ng pagkakasabi sa pangalan niya. Na-late daw siya sa event. Bukod sa pagdaraos ng birthday party ni Rep. Agarao, pinanumpa rin ang sa pagtitipong iyon ang mga bagong miyembro ng LP at dumalo rin si presidential candidate Mar Roxas. Pero wala na raw si Roxas nang mag-“Twerk” ang Playgirls.
Marami ang humihiling na mag-sorry si Tolentino at aminin na ang totoo. Pati si President Aquino ay hinihiling din na mag-sorry sa malaswang ginawa ng Playgirls. Sabi ng CBCP, dapat daw mag-sorry si Tolentino, Roxas at P-Noy. Sinabi naman sa isang report na hindi rin nagustuhan ng Malacañang ang ginawa sa pagtitipon ng LP. Pero nanindigan ang Malacañang na hindi magso-sorry ang Presidente at paiimbestigahan ang nangyari.
Napintasan ang LP dahil sa ginawang palabas. Hindi nga naman angkop sa ganoong pagtitipon na may mga batang nanonood ng palabas ng Playgirls na nagpapakita ng kalaswaan. Dapat naging maingat sila at pawang may pagkadesente sana ang pinakita. Ang masamang pintas ay maaaring makadagdag para huwag tangkilikin.
- Latest