Mayang (81)
PUMASOK si Jeff nang ibukas ni Mayang ang gate. Habang pumapasok siya ay hindi maipaliwanag na kaligayahan ang nadama niya. Ibig kayang sabihin ay tapos na ang problema niya?
Magkakaayos na sila ni Mayang?
Tama nga siguro si Lolo Nado—kung pawang positibo ang iisipin—positibo rin ang resulta.
Pawang positibo ang iisipin niya mula ngayon. Iisipin niyang magiging maligaya sila ni Mayang—tulad nung una silang magkakilala sa Dubai maraming taon na ang nakararaan.
Pagkatapos isara ni Mayang ang gate ay humakbang ito para pumasok sa loob ng bahay. Sumunod siya kay Mayang.
Binuksan ni Mayang ang main door.
“Pasok ka!” sabi nito sa kanya.
Pumasok siya. Maluwang at malinis ang sala. Kumpleto sa kasangkapan. May malaking led TV. Bago ang sopa at halatang bago rin ang kurtina.
Pakiramdam ni Jeff, talagang naglinis o nag-ayos ng bahay si Mayang. Parang alam niya na may darating na bisita.
Nahulaan kaya ni Mayang na darating siya ngayon?
O baka naman sobra lang advance ang pag-iisip niya dahil maligaya siya at pinapasok siya ni Mayang sa bahay nang walang maraming tanong. Lahat nang iniisip niya ay pawang positibo. Lahat nang iisipin niya ay magkakaroon ng katuparan.
“Maupo ka,” anyaya ni Mayang.
Naupo si Jeff. Masarap upuan ang sopa.
Naupo rin si Mayang. Medyo may kalayuan kay Jeff.
“Kumusta ka Mayang?’’
“Mabuti naman.”
Hindi malaman ni Jeff ang sunod na itatanong kay Mayang. Ano ba ang dapat itanong sa babaing minamahal niya?
Kailangang maging positibo siya.
“Pinatatawad mo na ba ako Mayang? Hindi ka na ba galit sa akin?’’
Iyon ang tanong na naisip ni Jeff.
At inisip niya na positibo ang isasagot ni Mayang. Hindi siya mabibigo. Tiyak na pinatatawad na siya ni Mayang. (Itutuloy)
- Latest