Manong Wen (190)
NAKARINIG pa ng mga putok sina Princess at Precious.
“Diyos ko baka binaril na si Jo!” Sabi ni Princess na napatigil sa pagtakbo. Tumigil din si Precious at niyaya ang kapatid.
“Ate delikadong abutan tayo ng mga kidnapper. Baka tayo ang isunod na paputukan! Halika na!”
“Baka pinatay na nila si Jo!”
“Ate wala naman tayong magagawa, hindi natin mahaharap ang mga hayok at mamamatay-tao! Babae tayo at mahina!”
Natigilan si Princess. Tama si Precious, wala silang magagawa para tulungan si Jo. Wala silang laban sa dalawang mamamatay tao.
“Halika na Ate! Bilisan natin!’’
Nagpatuloy sila sa pagtakbo. Walang puknat. Kailangang makalabas sila sa magubat na lugar na iyon. Kailangang makita nila ang kalsada.
“Malayo pa kaya rito ang kalsada, Ate?”
“Hindi ko alam. Basta ituloy natin ang pagtakbo, Precious!”
Ang hindi alam nina Princess ay nasa hulihan na nila ang dalawang hayok na kidnapper. Malapit na lamang ang distansiya ng dalawa.
“Bilisan pa natin Ate. Palagay ko malapit na rito ang kalsada.’’
Nagpatuloy sila. At tama ang hula ni Precious. Natanaw nila ang kalsada!
“Narito na tayo Ate! Hindi na nila tayo masusundan!’’
“Oo nga Precious. Palagay ko mahihirapan na silang habulin tayo.’’
Pero ganun na lamang ang pagkagulat ng dalawa sapagkat nasa likuran na nila ang mga hayok.
“Nasundan tayo Ate!”
“Takbo Precious! Huwag kang lilingon!”
Mabilis ang kanilang pagtakbo. Kahit nakatapak ay okey lang dahil malinis ang kalsada.
Nang mga sandali namang iyon ay naka-park sa gilid ng kalsada ang SUV ni Mam Diana. Malakas ang kutob ni Mam Diana.
“Kinukutuban ako Diego,” sabi niya sa driver.
“Ano pong kutob, Mam Diana?”
“Parang makikita ko na ang dalawa kong anak!”
(Itutuloy)
- Latest