Tiwala ni P-Noy o ng taumbayan?
MADALAS marinig sa opisyal ng gobyerno na nahaharap sa eskandalo na siya ay mananatili sa puwesto habang may tiwala ang Presidente na nagtalaga sa kanya.
Ngayon ay muling naririnig ang mga katagang ito sa kaso ni Budget secretary Butch Abad. Nananatili pa rin daw ang tiwala ni President Aquino kay Abad at wala itong planong sibakin.
Lumalawak na ang batikos kay Abad na inaakusahang arkitekto ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional. Maraming nagtatanong kung kaninong tiwala ang dapat manaig --- kay P-Noy o sa taumbayan?
Kung may delikadesa si Abad kahit pa sabihin ni P-Noy na may tiwala pa siya rito ay kusa na siyang magbibitiw. Ito pinakamainam na gawin ni Abad para huwag ng madamay ang Presidente at buong administrasyon.
Hindi naman siguro dapat pagtalunan ang usapin na nagastos sa mabuting paraan ang pondo ng DAP at hindi alam na maidedeklarang labag sa Konstitusyon. Isantabi na rin ang isyu ng impeachment laban kay P-Noy dahil mayorya sa Kongreso ay kaalyado ng Presidente.
Dapat magsagawa nang pag-audit sa lahat ng mambabatas at ahensiyang nakatanggap ng pondo mula sa DAP para malaman kung napunta ito sa tama. Importanteng malaman ng publiko kung saan napunta ang ibinayad nilang tax. Kung naging maayos naman ang paggasta ay walang problema.
Abangan natin kung magiging makatotohanan ang pag-audit sa pondo na nagmula sa DAP.
- Latest