Apoy na ipuipo, nasaksihan sa Australia
SA halip na nag-aalimpuyong hangin, nagliliyab na apoy ang taglay ng ipuipong nasaksihan sa Australia noong 2012.
Nasaksihan ni Chris Tangey, isang Australian filmmaker, ang nag-aapoy na ipuipo habang naghahanap ng lugar na puwedeng pagsiyutingan sa Alice Springs, Australia. Sa paglilibot, napunta siya sa isang lugar na malapit sa kakahuyan. Dito, narinig niyang sumigaw ang isang lalaki habang may tinuturo sa hindi kalayuan.
Nang tingnan niya kung ano ang tinuturo ng lalaki, napanganga siya sa nakita. Isa palang ipuipo na sa halip na hangin, nagliliyab na apoy ang taglay. Mga 300 metro lamang ang layo nito sa kanya at sa tantiya niya ay 30 metro ang taas.
Ayon kay Chris, wala namang kakaiba sa panahon noong araw na iyon. Nasa 25 degrees Celsius ang temperatura na pangkaraniwan lang sa Australia at wala ring malalakas na hangin. Ang napansin lamang niya na kakaiba nang mga sandaling iyon ay ang malakas na ingay na ayon sa kanya ay parang makina ng eroplano.
Ayon pa kay Chris nanatili siya sa kanyang kinatatayuan habang pinanonood ang nagliliyab na ipuipo. Lalo pa siyang namangha nang dalawang ipuipo pa na nagtataglay din ng apoy ang biglang lumitaw. Umabot sa 40 minuto ang pagliliyab ng mga ipuipo.
Ayon sa mga eksperto, ang nasaksihan ni Chris ay tinatawag na fire whirls. Nabubuo ito kapag ang mainit na hangin na dahilan ng mga ipuipo ay humalo sa apoy. Dahil sa hangin, nagliliyab lalo ang apoy at pumapaitaas. Ayon pa sa mga eksperto, mapaminsala ang mga apoy na ipuipo. Noong 1923, isang fire whirl sa Japan ang kumitil ng 38,000 katao sa loob lamang ng 15 minuto.
- Latest