Pekeng professionals!
Matagal na itong mga pekeng professionals na nanaÂmantala at di masyadong napapansin at nito na lamang nang magkasunud -sunod ang nagiging biktima ng mga ito.
Nito lamang nakalipas na Biyernes bumagsak sa CIDG entrapment sa Tomas Morato, Quezon City--timbog ang isang Mark Ryan Sumulong na nagpakilalang isang abogado. May calling card pa ito na isa siyang abogado at nagpakilalang Secretary ng Presidental Adviser on Special Concern.
Hindi lang ang tanggapan ng Pangulong Aquino ang ginagamit nito sa modus kundi mismong si PNoy na kanya umanong kamag-anak at nalalapitan niya sa anumang puwesto na kanyang ipinakikiusap.
Hiningan nito ng halagang P100,000 ang isang tao na nagpapalakad para ma-appoint bilang Port Commissioner.
At komo nga nakakabulong umano siya sa Pangulo, madali daw niya ito magagawa pero may bayad.
Sa madaling salita, lingid sa kaalaman ni Attorney inihanda ang isang entrapment laban sa kanya kaya bumagsak siya sa bitag na inihanda ng grupo ni PNP-CIDG Chief Supt. Benjie Magalong.
Ayon sa pulisya, may ilan pa pala itong naging biktima na sa ganoon din modus. Pinabulaanan na ng Malacañang na empleyado nila si Sumulong.
Aba’y walang takot ang taong ito na gamitin sa panloloko hindi lang ang tanggapan ng pangulo kundi maging ang Pangulo mismo .
Sino ba naman ang hindi raw maeenganyo dito, kumpleto mga dokumento, yun nga lang lahat peke, mula sa ID, at mga plaka ng sasakyan na no. 6, at iba pa, di ba?
Hindi lang pera, mga produkto na mga peke ang nagkalat sa kasalukuyan, kundi maging mga pekeng professional ay kumakalat na rin at nakapambiktima sa marami nating kababayan.
Hindi nga ba’t ilang nagpakilalang pulis ang nahulog sa kamay ng mga awtoridad na nango-ngotong sa maraming mga motorista, may pekeng abogado, may pekeng doktor, engineers , at iba pa.
Karamihan sa mga namemekeng isang professionals ay mga graduate nga ng abogasya o medisina, pero hindi naman mga board passers na naniningil ng fee katulad ng isang propesyonal.
DIto kailangang mag-ingat ang ating mga kababayan, magberipika muna lalu na nga’t may pera na involve agad lalu na sa mga pagkuha ng dokumento.
Masusing pag-iingat ang kailangan, dahil ngayon talagang nagkalat ang mga peke at mapagsamantalang kawatan.
- Latest