May problema ka ba?
LAHAT ng tao ay may problema sa buhay. Ang dapat ay hanapin ang kaya nating antas ng stress. Kapag konti lang ang stress at walang ginagawa ang isang tao, magiging tamad siya at mawawalan ng gana sa buhay. Sila ay dapat bigyan ng payo at inspirasyon para maging kapaki-pakinabang.
Kung sobra ka naman sa stress ay magiging makulit at mainitin ang ulo. Matutong magbawas ng responsibilidad, dami ng proyekto at hangad na pera. Magkakasakit din ng altapresyon, diabetes, ulcer, at insomnia. Payo ng doctor ay tingnan ninyo kung kaya ang dami ng trabaho. At para maiwasan ang sakit, magkaroon ng libangan, mag-ehersisyo at magkaroon ng oras sa inyong pamilya.
Tips para mabawasan ang stress:
Ang stress ay hindi talaga maiiwasan. Subalit maari natin itong dalhin nang magaan. Heto ang mga paraan:
1. Magkaroon ng positibong pagtingin sa buhay at sa mga problema para di malugmok sa negatibong pag-iisip.
2. Maglaan ng panahon upang makapahinga at magrelaks para magkaroon ng panibagong sigla.
3. Isa-isang lutasin ang mga problema. Kung kailangan, humingi ng payo sa kapamilya, kaibigan, propesyonal, pari, o guidance counselor.
4. At siyempre, magdasal araw-araw at ipasa-Diyos ang problema.
Mag-ehersisyo:
Ang regular na ehersisyo ay makatutulong sa pagbawas ng stress. Ito ay mahalaga para mapalakas ang kakayahan ng puso at mga kalamnan. Pumili ng ehersisyong kinasisiyahang gawin at isagawa ito ng mga 30 minuto 3 hanggang 5 beses kada linggo.
Para sa nahihirapan o may nararamdaman, kumunsulta muna sa doktor bago simulan ang pinaplanong pag-eehersisyo. Umpisahan ang pag-eehersisyo nang dahan-dahan at unti-unting itaas ang antas ayon sa kakayanan ng katawan. Ang pinakamainam na oras para mag-ehersisyo ay sa umaga o sa bandang hapon kung kailan hindi gaanong mainit.
Magpa-check up muna sa doktor bago mag exercise. Tandaan, itigil ang ehersisyo kapag may nararamdamang pananakit ng dibdib, napakataas na blood pressure at namamagang kasukasuan o kalamnan.
Walang taong nabubuhay na walang stress. Ang dapat lamang ay matutunan nating dalhin ito sa pang-araw-araw. Ingat po!
- Latest