Babaing fitness enthusiast, 24 na oras nag-pull-ups para sa Guinness Records!
Isang 34-anyos na babaing atleta sa Australia ang nagtala ng bagong Guinness World Record matapos siyang mag-pull-ups ng 7,079 beses sa loob ng 24 na oras, halos doble ng previous record.
Ayon kay Olivia Vinson, ang ideya na magkaroon ng world record sa pull-ups ay una niyang tinawanan nang imungkahi ito ng kanyang asawa, na nagsisilbi rin niyang coach.
Ang previous record, na hawak ng Polish athlete na si Paula Gorlo noong 2021, ay nasa 4,081 pull-ups. Matapos pag-aralan ang mga numero, naisip ni Vinson na posibleng malampasan niya ito, kaya nagsimula siyang mag-ensayo.
Tatlong buwan na pinaghandaan ito ni Vinson, ngunit sa unang pagtatangka pa lang ay nagkaroon ng injury ang kaliwang braso, dahilan upang itigil ang record attempt matapos ang 12 oras. Kinailangan niyang magpahinga ng dalawang buwan bago muling makabalik sa training.
Sa ikalawang attempt, kinaharap naman niya ang matinding pagod at hilo sa ika-19 na oras ng pagsasanay, ngunit nagpursige pa rin siya. Sa kabuuan, nakapagtala si Vinson ng average na limang pull-ups kada minuto sa loob ng 24 na oras. Matagumpay niyang naitala ang bagong record at kinilala ng Guinness World Records.
- Latest