Pananaw natin sa buwan magbabago?
Kung pagbabatayan ang mga kasalukuyang nagbabagong plano, hakbang at kilos ng mga scientist, researcher, astronaut, astronomer, space agencies, mga bansa, pribadong kompanya at ibang mga dalubhasang mauunlad sa larangan ng astronomiya, teknolohiya at siyensiya, bibilang na lang ng ilang taon bago tuluyang makabalik at makayapak ang tao sa buwan. Iba na ito kumpara sa unang paglapag ng tao sa buwan noong 1969. Permanente nang titira roon.
Mahirap mataya ang mangyayari sa hinaharap kung tuluyan nang makapagtayo ng permanenteng base ng mga astronaut o kolonya ng tao sa buwan. Pero makukumpirma rito kung totoo o hindi ang mga lumalabas na pag-aaral at pagsusuri na nakabatay lang sa mga nasisilip ng mauunlad na telescope at larawan o video na nakunan ng mga spacecraft na naunang ipinadala sa buwan. Malapit lang naman ang buwan at may tsansang makabalik sa daigdig ang dadayo roon.
Magiging kuwestiyon naman at kaabang-abang ang magiging epekto sa buhay ng mga tao sa daigdig kung makakatira na sila sa buwan. Sa lahat ng mga bagay sa kalawakan tulad ng ibang mga planeta at bituin, ang buwan ang kasama na ng tao sa nagdaang mga siglo. Nandiyan na ito sa simula ng kasaysayan ng tao.
Gabi-gabing nakikita ang buwan. Bumahagi na siya sa buhay natin, kultura, tradisyon, paniniwala, relihiyon, sistemang panlipunan, maging sa mga alamat at kuwento. Ibinabatay dito ang kalendaryo at orasan, merong epekto sa klima ng mundo, nagpapagalaw sa karagatan. Kumpara sa ibang mga planetang maaaring makita ng mata sa kalawakan, mas higit na nakikita sa kaitaasan ang buwan, ano man ang itsura niya, kalahati, hugis-karit, puti o kulay kahel at iba pa.
Kaya kaabang-abang din kung magbabago ang pananaw at paniniwala ng mga tao sa buwan tuwing titingalain ito sa kalawakan, alam nilang merong mga kapwa taong nakatira roon, gumagalaw, at namumuhay sa satellite na ito ng daigdig.
••••••
Email: [email protected]
- Latest















