Sapol si Enrile at buong Senado
DAHIL sa magarbong paggastos sa pondo ng Senado, ang nakikita kong talunan sa isyung ito ay si Senate President Juan Ponce Enrile at buong Senado na nabahiran ng putik sa pani-ngin ng publiko.
Matagal nang pulitiko si Enrile. Beterano na. Siya mismo ang nagsabing maraming laban na ang sinuong niya partikular sa kanyang propesyon bilang abogado at pagiging pulitiko.
Mula pa noong rehimen ni Marcos ay namamayagpag na siya sa pulitika subalit sa isang iglap ay tila napabagsak siya dahil sa eskandalo sa pondo ng Senado. Maihahalintulad si Enrile kay boxing champ Manny Pacquiao na tinamaan nang malakas na suntok ni Marquez.
Dahil sa pag-iingay ni Senator Miriam Defensor-Santiago at pag-alma naman ni Senator Allan Peter Cayetano, tila napatumba ang beterano.
Sa panahon ng rehimeng Marcos, inaakusahan si Enrile na isa sa mga umano’y arkitekto ng martial law. Subalit iniwan nito ang boss na si Marcos at pinangunahan nila ni Gen. Fidel Ramos ang 1986 Edsa revolution na nagresulta upang pumasok ang Cory Aquino administration.
Bilang isa sa pangunahing personalidad sa EDSA 1, na-ging makapangyarihan din siya mula sa pagiging mi-yembro ng Gabinete ni Cory. Sumabak siya sa pagiging kongresista at senador. Kaya mula kay Cory ay dikit din si Enrile sa Ramos, Estrada, Arroyo admin at hanggang kay Noynoy Aquino.
Naging makulay ang karera at buhay ni Enrile nang pa-ngasiwaan ang impeachment tril ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Pinagtiwalaan siya ng publiko at lalong naging popular. Pero sa isang iglap, dahil sa pamumudmod ng pondo sa Senado ay nalagay sa balag ng alaÂnganin si Enrile at posibleng maapektuhan ang kandidatura ng kanyang anak na si Rep. Jackie Enrile.
Nawala na ang mataas na pagtingin sa Senado. Madalas silang magpatawag ng mga imbestigasyon na may kinalaman sa anomalya sa pondo ng bayan pero ngayon ay nagbago ang pagtingin ng publiko. Kasali rin pala ang Senado sa magarbong paggastos sa pondo.
Maganda na rin ang nangyaring ito dahil nagkabistuhan sa umano’y pagwawaldas sa pondo ng bayan. Umalingasaw naman ito dahil na rin sa batuhan nila ng akusasyon. Silang mga senador na mismo ang naglantad sa sarili.
- Latest
- Trending