Satelayt, satellite o buntabay?
MAKATAWAG-PANSIN ang inilunsad kamakailan na patimpalak ng Philippine Space Agency (PhilSA) na pinamagatang “Tula Para sa mga Buntabay ng Pilipinas”, bahagi ng kampanyang #YamangKalawakan Poetry Contest.
Bihira itong pagkakataong ginagamit ang salitang “buntabay” bilang katumbas sa Filipino ng satellite. Bagaman nasa wikang Filipino ang pamagat ng patimpalak, kapansin-pansing nasa Ingles ang paliwanag at mekanismo nito—samantalang hinihingi sa mga kalahok na ang tula ay dapat nakasulat sa Filipino.
Kung tutuusin, hindi karaniwan o palasak ang “buntabay” sa ating pang-araw-araw na talastasan, lalo na sa larangan ng agham. Mas madalas pa ring ginagamit ang satellite sa orihinal nitong anyo o ang mas kolokyal na “satelayt.”
Wala rin ang “buntabay” sa mga tradisyunal na nakalimbag na diksyunaryo. Sa ilang online resources gaya ng Tagalog.com, Brainly, at iba pang terminolohikal na glosaryo, isinasalin ang satellite bilang aparatong inilulunsad sa kalawakan na umiikot sa mundo o iba pang celestial body para sa komunikasyon, pagmamatyag, o pananaliksik.
Samantala, sa Wikipedia, ang salin ay nananatiling “satelayt”; habang sa Lingvanex, ang “buntabay” ay tinutukoy bilang isang uri ng paruparo—malayo sa siyentipikong gamit ng salita.
Hindi malinaw kung kailan at paano unang ginamit ang “buntabay” bilang salin para sa satellite. Wala rin ito sa mga search engine ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) o ng Department of Science and Technology (DOST). Ayon sa isang entry sa Reddit’s r/Globasa forum, lumitaw umano ang termino noong 2021, ngunit hindi ito matutunton sa alinmang akademikong journal o opisyal na dokumentong teknikal.
Ang salitang “buntabay” ay may kahulugang kasunod o kasabay. Marahil ito ang naging batayan ng PhilSA sa pagpili ng terminong ito, lalo pa’t may temang makatao at makabayan ang patimpalak.
Gayunman, nananatiling hamon sa Pilipinas ang pagsasalin ng mga teknikal na salita sa sariling wika, lalo na’t nangingibabaw ang Ingles sa larangan ng edukasyon, agham, at teknolohiya. Maging ang wikang Filipino, na ibinatay sa Tagalog, ay hindi na maituturing na “purong” Tagalog. Sa kasalukuyan, ito ay halo ng iba’t ibang wika sa bansa—Ilokano, Cebuano, at iba pa—na kadalasang sinasahugan ng Ingles o Kastila, depende sa gamit at antas ng usapan.
Sa kabila nito, may mga bansa sa Asya at Gitnang Silangan na mas agresibo sa paggamit ng sarili nilang wika sa agham. Sa Japan, ang satellite ay tinatawag na “eisei”; South Korea, “wui-seong”; China, “weixing”; Vietnam, “v? tinh”; Thailand, “dao thiam”; Iran, “mahv?re”; at India, “upagrah.”
Sa mga bansang ito, isinasalin hindi lamang ang terminolohiya kundi pati ang mismong diskurso ng agham sa sariling wika, upang maipaliwanag sa mas maraming mamamayan at itaguyod ang pambansang identidad sa makabagong kaalaman.
Kung susuriin, ang paggamit ng “buntabay” sa patimpalak ng PhilSA ay higit pa sa poetikong eksperimento. Isa itong pahiwatig ng hangaring buhayin ang pagtalakay sa agham gamit ang wikang Filipino. Ang mismong paggamit dito ay isang panimulang hakbang—isang panawagan sa pag-aangkin ng siyensiya sa ating wika.
Sana, magkaroon din ng Filipino version ang mga website ng PhilSA at DOST. Baka panahon na upang hindi tayo maging tagasalin lamang ng banyagang siyensiya, kundi maging tagaambag ng sariling pananaw—sa sarili nating wika. Marahil, kung paulit-ulit nating maririnig, mababasa, at magagamit ang “buntabay,” unti-unting magiging bahagi ito ng ating lengguwaheng makabago, at ng isang bansang lumalawak ang kamalayan—hanggang sa kalawakan.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest




















