Ex-Angel
KUWENTO ng isang kaibigan:
Akala ko ay ako lang ang namalikmata, pati rin pala ang aking anak na noon ay nakatitig sa kanyang ama. Pitong taon noon ang aking anak. Maya-maya ay sumigaw ito—Dad, are you an angel?
Noon ay naliligo kaming mag-anak sa ilog. Si Gelo na aking asawa ay tumayo sa malaking bato. Tanghaling tapat noon at nakatalikod siya sa liwanag ng araw. Ang sinag ng araw marahil na tumatama sa kanyang likod ang nagbigay ng ilusyon na para siyang may pakpak. Iyon din ang nakita ng aking anak kaya tinanong niya kung anghel ito.
Sinagot lang niya ang aming anak nang malakas na tawa. Kinagabihan habang nagpapaantok kaming mag-asawa ay nabanggit ko sa kanya ang aking naging obserbasyon habang siya ay nakatayo sa malaking bato sa ilog.
“Parang nagkulay puti ang paligid mo at nagmukha kang anghel na may pakpak.”
“Paano kung aminin ko sa iyo na dati nga akong anghel…” sagot sa akin na seryoso ang mukha.
Kinurot ko ang kanyang matangos na ilong sabay sabing, “at na-in love ka sa akin kaya hiniling mo sa Diyos na gawin kang tao”
Ang inaasahan ko ay sasagutin niya ako ng papilosopong joke pero tumahimik lang siya. Mahina ang kanyang boses nang muling magsalita, “Maikli lang ang buhay ng mga anghel na naging tao.”
Inaantok na ako nang mga sandaling iyon kaya kahit narinig ko ang kanyang sinabi, hindi ko iyon siniseryoso.
Isang taon, pagkalipas nang insidenteng iyon, si Gelo ay pumanaw habang natutulog. Wala siyang sakit. Bangungot daw ang ikinamatay nito. Noong ika-40 araw ng kanyang pagkamatay ay dumalaw ako sa kanyang puntod. Mas gusto kong mag-isa kapag dinadalaw ko siya. Lagi kasi akong nag-iiyak sa harap ng kanyang puntod. Sobra akong nangungulila sa kanya. Ayokong umiyak nang may nakakakita sa akin.
Habang umiiyak ay nakatingin ako sa lapida kung saan nakasulat ang kanyang pangalan. Cassiel Angelo. Ngayon ko lang napansin na ang first and second name niya ay parehong may kinalaman sa anghel. Si Cassiel ay arkanghel na nagtuturo sa mga tao kung paano magtimpi. Ang Angelo ay Italian masculine name na ibig sabihin ay angel or messenger. Habang nagmumuni-muni ako, dahan-dahang lumagpak sa aking kandungan ang isang pirasong white feather.
Naalaala ko ang sinabi ni Gelo noong gabing nag-uusap kami maikli lang ang buhay ng anghel na naging tao. Tatlumpong taon siya nang pumanaw. Sabi ng aking lola, ang palatandaan na may katabi kang anghel ay bigla na lang may lilitaw na white feather sa harapan mo kahit walang ibon sa paligid. Napangiti ako sa mga alaalang iyon. Si Gelo kaya ang nasa tabi ko? Ang asawa kong Ex-Angel.
- Latest




















