EDITORYAL - Malambat na kaya mga buwaya sa Customs?

KAPAG may bagong upo na Customs commissioner ang laging pangako ay lilinisin sa katiwalian ang tanggapan. Wawalisin ang mga kakutsaba ng smugglers para malaki ang maipasok na buwis. Subalit ang pangako ay napapako. Sa dami ng mga naging commissioner ng BOC, walang nakapaglinis dito at walang nakapagpaangat ng koleksiyon ng taripa.
Ngayon ay may bagong BOC commissioner. Itinalaga ni President Ferdinand Marcos Jr. si Ariel Nepomuceno bilang bagong BOC commissioner noong Lunes, ipinag-utos niya rito na palakasin ang kampanya laban sa smuggling at palawakin ang border protection. Pinalitan ni Nepomuceno si Bienvenido Rubio. Hindi naman sinabi kung bakit pinalitan si Rubio. Ayon sa direktiba ni Marcos, habulin at kasuhan ni Nepomuceno ang mga negosyanteng hindi patas sa paraan ng pagnenegosyo.
Sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na nagsimula na ang gobyerno sa mas pinaigting at matinding paglaban sa smuggling. Sinabihan umano ng Presidente si Nepomuceno na maging tapat ito sa bansa at maging transparent sa koleksiyon ng buwis.
Subalit may nakalimutan ang Presidente na sabihin kay Nepomuceno na bukod sa pakikipaggiyera sa smugglers, dapat ding patindihin nito ang paglaban sa mga korap na opisyal at empleyado sa BOC. Dapat tandaan na kaya nagkaroon ng smuggling ay dahil sa korapsiyon. Hindi naman magkakaroon ng lakas ng loob ang smugglers na magpuslit ng produkto kung wala siyang “kinakapitan” sa Customs. Hindi magkakaroon ng tapang ang smugglers kung wala silang kakutsabang opisyal at empleyado sa Customs. Sinasabi na maski janitor at security guard sa BOC ay namamantikaan din ang nguso dahil sa lawak ng korapsiyon doon.
Mas maganda kung uunahin ni Nepomuceno ay lupigin muna ang katiwalian sa BOC at kapag nagawa ito, unti-unti na ring mawawala ang korapsiyon. Paigtingin ang paglaban sa katiwalian upang mapalakas din ang koleksiyon sa buwis.
Eksakto naman sa pagkakatalaga kay Nepomuceno ay ang pagkakakumpiska ng BOC sa mahigit P34 million halaga ng misdeclared agricultural products. Ang mga kargamento ay galing China na dumating sa bansa noong Mayo 27 at Hunyo 1, 2025.
Nagpapatunay lamang ito na talamak ang smuggling sa bansa, particular ang agri products. Ito ang pagsubok kay Nepomuceno. Labanan niya hindi lamang smuggling kundi pati na ang corruption sa pinamumunuang ahensiya. Siya na sana ang pag-asa sa BOC na lilipol sa mga buwaya.
- Latest



















