Editoryal - Droga ang ugat ng mga krimen
KUNG mayroon mang dapat sisihin sa pagkakaroon nang malalagim na krimen sa bansa, iyan ay ang illegal na droga at pangunahin dito ang shabu. Kahit saang lugar sa bansa ay may shabu. May mga liblib na lugar sa bansa na wala pang kalsada at kuryente pero mayroon nang shabu. Mas mabilis makarating ang shabu sa liblib at iglap ay ginagawang “halimaw” ang mga kabataan.
Mas matindi ang mga krimen na nagagawa ng mga hayok sa shabu. Bukod sa ginagahasa na ang biktima ay pinapatay pa. Katulad nang nangyari sa UST graduate na nabiktima ng magkapatid na traysikel drayber na pawang lango sa shabu sa Bacoor, Cavite. Bumili lamang ng puto bumbong ang biktima at sumakay sa traysikel ng magkapatid. Sa halip ihatid sa bahay, sa isang kubo sa bukid dinala at doon ginahasa at pinatay. Ninakawan pa ang biktima. Umamin ang magkapatid na nag-shabu sila bago isinagawa ang krimen.
Pagkalulong din sa droga ang dahilan kaya pinatay ang magpinsang babae (edad 15 at 9) sa Caloocan City noong nakaraang linggo. Ang suspect ay isang 25-anyos na lalaki. Nahuli na ang suspek kamakailan. Inamin nito na wala siya sa sariling katinuan nang patayin ang dalawang babae. Nasa impluwensiya umano siya ng alak at droga nang patayin ang dalawa. Napadaan lang daw siya sa bahay ng mga biktima at pinagsasaksak ang mga ito.
Malagim, karumal-dumal ang nagagawang krimen dahil sa pagkasugapa sa droga. At maaaring lumala pa kapag hindi napigilan ang drug traffickers sa kanilang masamang gawain. Paigtingin ang kampanya laban sa drug traffickers. Kamay na bakal ang gamitin sa mga “salot” ng lipunan. Atasan ang PDEA at iba pang drug enforcers na doblehin ang pagtatrabaho at huwag magpapasuhol sa drug traffickers.
- Latest
- Trending