EDITORYAL - Daming nakukumpiskang shabu pero saan inilalagay
KAMAKALAWA may nasamsam na namang shabu sa NAIA na nagkakahalaga ng P72 milyon. Noong nakaraang taon, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nakakumpiska sila nang mahigit P20 bilyong halaga ng illegal drugs na kinabibilangan ng shabu, marijuana, ecstasy, cocaine, ketamine at kush. Sa nasabing drug operations sa buong bansa, nakaaresto ang PNP ng 57,129 na personalidad at kinasuhan na umano nila.
Sabi ni PNP chief Gen. Rommel Marbil, ang kanilang maigting na drug operations ang dahilan kaya matagumpay ang kampanya laban sa illegal na droga.
May katwirang magsaya si Marbil sapagkat malaki naman talaga ang volume ng droga na kanilang nakumpiska ngayong taon. Sa matagumpay na pagkakakumpiska ng P20 bilyong halaga ng shabu ngayong taon na ito, maraming kabataan at propesyunal ang nailigtas sa pagkalulong sa illegal na droga. Mabigat ang problema ng bansa na may kaugnayan sa droga.
Noong 2023, sinabi ng Malacañang na P10.41 bilyong halaga ng illegal drugs ang nakumpiska ng gobyerno. Umabot naman sa 27,000 barangays ang nalinis sa droga. Ayon sa PNP, nasa 56,495 drug suspects ang naaresto sa isinagawang 44,000 anti-illegal drug operations. Katulong ng PNP sa kampanya laban sa illegal drugs ang DILG, Dangerous Drugs Board at PDEA. May kabuuang 27,968 barangays ang nalinis sa droga, ayon sa PNP.
Kapuri-puri ang ginagawa ng PNP na drug operations. Isang malaking katanungan lang ay kung saan dinadala ng PNP ang napakaraming nakukumpiskang shabu at iba pang illegal drugs. Kumpleto ang datos ng PNP sa mga nakukumpiskang droga pero hindi naman nirereport kung saan inilalagay ang mga nakukumpiska. Dapat sabihin ng PNP ang ginagawa nila sa mga nakukumpiska upang hindi maghinala ang taumbayan.
Kung hindi sasabihin ang ginagawa sa mga nakukumpiska, maaaring isipin ng taumbayan na nare-recycle ang shabu. Hindi naman kaila na maraming scalawags sa PNP na sangkot sa illegal drugs. Mababanggit dito si dating MSgt. Rodolfo Mayo na nahulihan ng 990 kilos ng shabu noong 2021 na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Umano, nagre-recycle ng shabu si Mayo habang naka-assigned sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG).
Ang dapat gawin para hindi ma-recycle ang droga na nakukumpiska ay wasakin na agad ito. Huwag nang itago sapagkat mainit ito sa mga mata ng scalawags na pulis. Kung walang nakatago, walang ire-recycle.
- Latest