Kabulastugan ng pulitika nakahihibang talaga
SINALUBONG ng mga balitang kabulastugan ang buong bansa dahil sa mga balitang sangkap nang maruming pamumulitika.
Hindi na rin uso sa bawat isa ang pagpaplano ng New Year’s resolutions. Trabahong demolisyon na rin ang pinasasabog na mas malakas pa sa sinturon ni Hudas.
Pinasabog ng mga kalaban ni President Bongbong Marcos ang balitang nagbabanta raw ito ng pagdedeklara ng martial law kaya sinibak sa National Security Council si dating President Digong at anak na si VP Sara Duterte.
Kargado talaga ng malisya ang sinabing ito ni senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez na dating Executive Secretary ni PBBM.
Makakapagpaangat kaya sa kandidatura o senyales lang na hopeless na talaga?
Masangsang na usapin ang ibinabanat kay senatorial front runner Erwin Tulfo hinggil sa citizenship nito. Naging U.S. military personnel kasi si Erwin at diumano’y gumamit ito ng ibang pangalan habang namumuhay doon.
Gusto malamang ng mga kalaban na ma-disqualified si Erwin.
Nambubulabog din ang movie industry sa pagbuhay sa inamag ng Pepsi Paloma rape case na nagsangkot noon kina Vic Sotto, Joey de Leon at Richie D’Horsie.
Halata diumano na ang gustong sagasaan ng istorya ay sina senatorial candidate Tito Sotto at Pasig City Mayor Vico Sotto na kapwa lumalamang sa mga kalaban nila.
Si movie director Darryl Yap ang naiipit ngayon at isinakripisyo diumano ng mga taong nasa likod ng malisyosong pelikula.
BFF ni Darryl Yap si Sen. Imee Marcos na unti unting nadedehado sa senatorial race.
Marumi talagang mag-isip ang mga miron!
Marami pang kabulastugan at kababuyang usapin ang lulutang habang lumalapit ang May election.
Bugbog sarado ang katauhan ng lahat ng kandidato makalipas ang eleksyon at mangangamoy bulok na tinapay tiyak ang mga talunan.
Ganyan talaga kaburara ang pulitika sa ‘pinas!
- Latest