25 medalya binuhat ng Philippine junior team
MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng mga Pinoy junior weightlifters ang kampanya nito matapos magbulsa ng limang gold, 10 silver at 10 bronze medals sa 2024 Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Doha, Qatar.
Bumandera sa matikas na ratsada ng tropa sina Aldrin Colonia at Jhodie Peralta na parehong bumuhat ng dalawang gintong medalya sa kani-kaniyang dibisyon.
Nakaginto si Colonia sa men’s 49 kilogram youth division sa clean and jerk (118 kg) at total (213 kg) at nakasiguro ng ginto si Peralta sa women’s 55 kg youth division sa snatch (84 kg) at total (184 kg).
Maliban sa ginto, may pilak din si Colonia sa snatch at si Peralta sa clean and jerk.
Galing naman ang isa pang ginto kay Eron Bores sa snatch event ng men’s 49 kilogram youth division.
Humirit si Prince Keil Delos Santos ng tatlong pilak sa men’s 55 kg youth division bukod sa tatlong tanso.
Nagdagdag si Althea Bacaro ng dalawang pilak sa women’s 40 kg youth division sa snatch (55 kg) at total (128 kg.) at tanso sa clean and jerk (73 kg).
Wagi rin ng medalya sina Rosalinda Faustino (women’s 49 kg youth division), Alexsandra Ann Diaz (women’s 45 kg youth division), Princess Jay Ann Diaz (women’s 40 kg youth division), Rose Jean Ramos (women’s 45 kg junior division) at Angeline Colonia (women’s 45 kg junior division).
- Latest