Mayang (84)
Nanatiling nakatitig si Jeff sa batang lalaki na sa tantiya niya ay mga pitong taong gulang. Guwapo. Alun-alon ang buhok. Maputi.
Pakiramdam ni Jeff, may lumuksong dugo sa kanya makaraang makita ang bata. Bakit ganito ang pakiramdam niya?
“Sino siya, Mayang?’’ tanong muli niya.
Pero tikom ang bibig ni Mayang. Nakatingin lang ito sa kanya.
Pinagmasdan muli ni Jeff ang bata.
Nginitian niya.
Gumanti ng ngiti.
“Halika!’’ sabi ni Jeff.
Tumingin muna ang bata kay Mayang. Parang nagtatanong kung lalapit sa lalaking tumawag sa kanya.
Pagkatapos ay tumingin muli kay Jeff. Parang nahihiya.
“Halika!’’
Dahan-dahan itong lumakad palapit kay Jeff.
Hanggang sa nasa harapan na ito ni Jeff. Hindi naman malaman ni Jeff kung ano ang itatanong sa bata. Parang sa sobrang kasiyahan na kanyang nadarama ay wala siyang maisip na itanong.
“Ilang taon ka na?’’ tanong ni Jeff.
“Seven po.’’
Nag-isip si Jeff. Pitong taong gulang na ang bata. Kasinghaba ng pitong taon na inilagi niya sa New Zealand.
Pero bakit kakaiba ang nararamdaman niya para sa bata? Ano ba itong naiisip niya? Totoo kaya ang kutob niya?
“Anong name mo?’’
“Jeffmari po.’’
Napatitig muli si Jeff sa bata. At pagkatapos ay kay Mayang.
“Jeffmari ang name mo?’’
“Opo.’’
“Bakit Jeffmari? Saan galing ang name mo?’’
“Sabi po ni Mommy, ang Jeff ay name ng Daddy ko at ang Mari ay name niya.’’
Gusto nang sumigaw dahil sa kaligayahan si Jeff. Kinuha ang name ng bata sa pangalang Jeff at Maria. Siya ay Jeffrey at si Maria ay si Mayang.
Kung ganun, tama ang kutob niya. Anak niya ang batang ito. Nagbunga ang pagmamahalan nila ni Mayang pitong taon na ang nakararaan.
Bigla niyang niyakap si Jeffmari.
“Anak ko!”
(Itutuloy)
- Latest