Ate, 10 beses sinaksak ng kapatid, patay!
CAVITE, Philippines — Hindi bababa sa 10 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo at ikinamatay ng isang 32-anyos na ate mula sa kamay ng nakababatang kapatid na lakaki sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Amadeo, dito sa lalawigan, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa pagamutan ang biktima na kinilalang si Ruth Marquez, residente ng Brgy. Banaybanay, Amadeo, Cavite.
Tinutugis na ng mga pulis ang tumakas na suspek na si alyas “Ruel”, nasa hustong gulang, residente rin ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng Amadeo Police, alas-2:20 ng hapon nang marinig ng mga kapitbahay na nagtatalo ang magkapatid na Marquez. Humantong umano ito sa malakas na sigawan ng magkapatid hanggang sa kumuha ng kutsilyo si Ruel at sinugod ang kaniyang ate saka paulit-ulit na sinaksak.
Tinigilan lang ng suspek ang pagkatay sa kanyang ate nang makitang hindi na kumikilos at naliligo sa sariling dugo.
Mabilis na tumakas ang suspek, habang naitakbo pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang patay ng mga sumuring doktor.
Narekober ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng suspek sa pagkatay sa kanyang ate.
- Latest