Pedestrian dedo sa rumaragasang SUV, bahay at 3 pang sasakyan inararo
MANILA, Philippines — Isang pedestrian ang nasawi makaraang aksidenteng masagasaan ng isang rumaragasang SUV sa kahabaan ng highway ng Brgy. San Agustin, Alaminos, Laguna nitong Biyernes.
Ang biktimang si Cornelio Trimocha ay idineklarang dead-on-arrival sa SPC Medical Hospital sanhi ng matinding mga sugat sa katawan.
Sa ulat ng CALABARZON Police, bandang alas-10 ng umaga habang nakatayo si Trimocha sa tapat ng isang eskuwelahan nang aksidenteng araruhin ng isang rumaragasang Mitsubishi Montero (NCN 8623) na minamaneho ni Pierre Martin Filio patungo sa hilagang direksiyon.
Ang nasabing driver ay nakaidlip umano bunsod upang tuluy-tuloy nitong banggain ang barandilya sa nasabing eskuwelahan at ang nasabing pedestrian.
Bukod sa biktima, nahagip din ng SUV ang isang nakaparadang Toyota Wigo (DAU 7460) na pag-aari ni Junior Falseco, isang Honda motorcycle (918 DZH) at electric bike gayundin ang bahay ni Alejandro Samson.
Inaresto naman ng mga nagrespondeng barangay tanod ang suspect na itinurn-over sa himpilan ng pulisya at ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest