EO ng mayor labag sa tricycle, pedicab ban sa national highway
MANGALDAN, Pangasinan, Philippines — Posible umanong maharap sa kasong administratibo si Mayor Bonafe De Vera Parayno kung ipipilit nito na padaanin ang mga tricycles at pedicabs sa national highway sa Poblacion dito.
Una nang nilagdaan ni Mayor Parayno ang isang Executive Order No. 01 (EO) na pinahihintulutan ang mga pedicab at tricycle na dumaan sa Rizal Avenue business district na bahagi ng Pangasinan-La Union national road.
Ayon kay Mangaldan Councilor Aldrin Soriano, ang Rizal Avenue ay isang major road artery na dinadaanan ng mga behikulo mula sa mga kalapit bayan pati na ang mga bumibiyahe patungo sa lalawigan ng La Union.
Nakasaad anya sa DILG Memorandum Circular No. 2020-036 na inuutusan ang mga alkalde ng bayan at siyudad sa buong Pilipinas na istriktong ipatupad ang tricycle at pedicab ban sa mga national roads at gumawa ng tricycle route plan (TRP) na pwedeng daanan ng mga tricycle at pedicabs.
Ang Poblacion ay maraming sementado at maayos na mga municipal roads na pinagawa ng nakaraang administrasyon ni dating Mayor Marilyn Lambino na pwedeng gamitin na alternatibong daanan ng mga tricycle at pedicabs, pahayag pa ng konsehal.
Sinabi pa ni Soriano na nilalabag umano ng EO ang Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code bukod pa sa mga naunang DILG Memorandum Circulars 2007-11. 2011-68 at 2020-004 na pinagbabawalan ang mga tricycles, ganoon din ang mga pedicabs at motorized pedicabs na dumaan sa mga national highways.
- Latest