Buwaya nahuli habang gumagala sa Bulacan
GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Matapos maispatan na malayang gumagala sa Guiguinto River, sa wakas nahuli na rin ng mga residente ang isang buwaya sa may riverbank ng Sitio Tabon, Barangay Malis ng bayang ito, kamakalawa.
Kinumpirma ni Guiguinto Mayor Paula Agatha “Agay” Cruz ang pagkakahuli sa malaking buwaya bandang alas-2:00 ng hapon nitong Linggo.
Ayon kay Cruz, ang buwaya ay naiturn-over na sa Biodiversity Management Bureau (BMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi naman ni Emelita Lingat, provincial environment and natural resources officer ng Bulacan na hinihintay pa niya ang opisyal na ulat sa pagkakahuli ng nasabing buwaya.
Ipinagmalaki at inanunsyo ni Cruz sa kanyang Facebook account ang mga residente na sina Joseph Herera, Richard Molido, Leonardo Arizapa, Ken Molido, Elizalde Esusan, Marion Esusan, Obet Chavez, Darel Jamboy, Joshua Gaspar, at Christian Esusan na siyang mga nagtulung-tulong upang masukol ang buwaya matapos maispatan ito sa nasabing ilog, sakop ng Sitio Tabon.
“Mataas na pagkilala ang iginagawad natin sa maituturing na mga makabagong bayani ng bayan at matatapang na mga kabataan na nakahuli sa buwaya,” ayon kay Cruz. “Nagbigay rin po tayo ng pabuya para sa kanilang ipinakitang katapangan,” dagdag nito.
Ayon sa residenteng si Zalde, namataan ang buwaya ng kanyang kapatid habang gumagala ito sa palayan malapit sa ilog sa Sitio Tabon.
Dahil dito, mabilis na nagtulung-tulong ang may 10 na tao na mahuli ang buwaya gamit ang lambat, kahoy at tuwalya.
Nauna rito, namataan ng mga residente ang buwaya at agad nilang ipinagbigay alam sa BMB-DENR nitong Hunyo, 2022 na nagbigay ng matinding takot sa mga taong naninirahan malapit sa nasabing ilog.
Agad binuo ng Guiguinto mayor ang “Oplan Buwaya Rescue and Recovery Team” na binubuo ng Municipal Environment and Natural Resources Office, Municipal Agriculture Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa koordinasyon ng mga opisyal ng Barangays Malis at Sta. Cruz upang mahuli ang buwaya.
- Latest