75 katao nalason sa galunggong at tahong
MANILA, Philippines — Umaabot sa 75 katao ang naratay dahil sa posibleng food poisoning matapos na kumain ng galunggong at tahong sa Brgy. Inirangan, Bayambang, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Municipal Health Office sa Office of Civil Defense Region, ang kinain na galunggong at tahong ay binili ng mga residente sa isang vendor.
Gayunman, matapos makain ang galunggong at tahong ay nagsimula nang makaranas ng matinding pananakit ng tiyan at ulo, pagsusuka, paninigas ng kalamnan at matinding pagkahilo ang mga tao sa nasabing barangay.
Agad silang isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Kasalukuyan namang inaalam kung ang nakain ng mga biktima ay nagtataglay ng red tide toxin.
Sinusuri na rin ng mga health experts ang sample ng nakain ng mga biktima upang mabatid kung alin sa galunggong at tahong na nakain ng mga ito ang posibleng nakalason sa mga biktima.
Nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang ilan sa mga nalasong residente matapos na malapatan ng pangunahing lunas habang ang iba pa ay patuloy na nagpapagaling sa ospital.
- Latest