Manager, stude nadale ng ‘Basag-Kotse’
Mahigit P.3 milyon na kagamitan tangay
CAVITE, Philippines — Isang isang manager at isang estudyante ang halos sabay na dinale ng “Basag Kotse Gang” kung saan aabot sa P.3-milyon na halaga ng mga mahahalagang gamit ang natangay sa parking area ng isang establisimyento, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Biga 1, bayan ng Silang.
Nakilala ang mga biktima na sina Glenn Rosales, 51-anyos, may asawa, Spectrum manager, residente ng Sta. Rosa, Laguna; at estudyanteng si Kimberly Briones Coloma, 26, ng Lipa City, Batangas.
Sa imbestigasyon ni Pat. Menervin Castillo, alas-5:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa parking area ng Dermatological Solution sa E. Aguinaldo Highway Brgy. Biga 1.
Nabatid na isang Ford Everest na may conduction sticker na COZ004 ang sasakyan ni Rosales habang KIA Seltos na may plakang CBL4442 sa nasabing estudyante.
Lumalabas na magkasunod na nag-park ng kanilang sasakyang ang mga biktima sa tapat ng Dermatologist Solution kung saan sila ay pawang kustomer.
Nang matapos ang kanilang transaksyon sa loob ng nasabing tanggapan, unang lumabas si Rosales at tinungo ang nakahimpil niyang SUV subalit napansin nito na basag na ang rear windshield at nakitang wala na rin ang kaniyang Acer laptop na may halagang P32,000.00, iPhone 7 na nasa P8,000 at shoulder bag na nagkakahalaga ng P8,000.
Nanlumo rin ang naturang estudyante nang makitang basag na ang kanang bahagi ng windshield ng kanyang sasakyan at nawawala na rin ang kanyang MacBook laptop na nagkakahalaga ng P75,000.00, Loui Vuitton travel bag na nasa P70,000, Dyson hair blower na nasa P30,000; at kuwintas na P15, 000 ang halaga.
Ayon sa pulisya, aabot lahat sa humigit kumulang sa P300,000 ang halagang natangay sa dalawang biktima.
- Latest