‘Tulak’ utas, 3 arestado sa buy-bust
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban umano sa pulisya, habang arestado ang tatlong iba pa sa serye ng buy-bust operations sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sinabi ni P/Col. Rhoderick Campo, officer-in-charge ng Nueva Ecija Police, patay ang drug suspect na si Noel Esguerra, 55, may-asawa ng Brgy. Bangkulasi, Navotas City na dumayo pa sa lalawigan, habang ang tatlong naaresto ang nakilalang sina Rogelio Erevera, 53, may-asawa ng Brgy. Pesa, Bongabon, NE; Tom Geronimo, 36, may-asawa ng Brgy. Tagumpay, Gabaldon, NE, at Jeffrey Mariano, 46, may-asawa ng Brgy. Bantug Norte ng lungsod na ito.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Alexie Desamito, acting chief of police ng Gapan City, alas-10:25 ng gabi noong Sabado nang magsagawa ng buy-bust ang kanilang drug enforcement team sa Brgy. Sto. Cristo Norte, kung saan nakatransaksyon nila ang dayong suspek na si Esguerra. Nanlaban umano ang suspek at napatay kalaunan matapos ang engkuwentro.
Narekober sa crime scene ang 62 gramo ng hinihinalang shabu na may street value umano na P421,000; 1 caliber .38 revolver, mga basyo ng bala; 1 genuine P1,000 bill ‘marked money’ at 12-piraso ng P1,000 boodle money na ginamit sa transaksyon; at ang dalawang ID cards umano ng suspek.
Samantala, ang tatlong drug suspects ay nahuli sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Barangay Bantug Nore, Cabanatuan City at sa Barangay Poblacion Norte, Gabaldon ng mga tauhan nina P/Lt. Col. Julius Ceasar Manucdoc, hepe ng Cabanatuan City PNP, at P/Capt. Aniceto Carang Jr., hepe ng Gabaldon PNP. Nakuha sa tatlo ang 2.05 gramo ng umano’y shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P15,420.
- Latest