95 nahawahan ng COVID-19 sa Bulacan Juvenile Center, gumaling na
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Tuluyan ng gumaling ang 95 nahawahan ng Covid sa Bulacan Juvenile Center matapos ang dalawang Linggong quarantine sa Bulacan Isolation facility sa loob ng Capitol Compound sa nasabing lungsod.
Ayon kay Bulacan Medical Center Director Dr. Hjordis Marushka Celis, binuksan na muli ang operasyon sa Tanglaw Pag-asa o mas kilala bilang isang pasilidad para sa mga Children In Conflict with the Law (CICL), matapos mabigyan ng clean bill of health ang 80 nitong residente, na nasa edad 16-26 taong gulang, 9 na social workers at 6 na jailguard.
Pinamumunuan ni Celis ang Response Cluster of COVID-19 Provincial Task Force at co-chair ng Vaccination Operation Center ng lalawigan ng Bulacan.
Kinumpirma rin ni Ret. Col. Marcos Rivero, Provincial Civil Security and Jail Management Office Chief na makaraang mag-self isolate at quarantine ang anim na jailguard na nahawa ng Covid, tuluyan ng nag- negatibo ang mga ito sa nasabing virus.
Batay sa ulat ng Tanglaw manager na si Jay Mark Chico, pansamantalang ipinasara at ipinatigil ang operasyon ng tanggapan ng Tanglaw nang makapagtala ito ng unang kaso ng COVID-19 noong nakaraang Marso 26.
Nagpakita umano ng mild symptoms ang mga batang pasyente mula sa Tanglaw, tulad ng lagnat, habang asymptomatic naman ang mga bantay at kasapi ng tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ayon kay Celis.
Nagsimula umano ang COVID-19 infection nang magpunta sa isang birthday party ang PSWDO staff nitong Marso, kung saan nahawa ang isang residente ng Tanglaw, na umattend naman ng court hearing, na siya ring naging dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit sa lugar.
Patuloy naman ang paalala ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa kanyang mga ka-lalawigan na kung wala namang importanteng gagawin sa labas ay manatili na lamang sa loob ng bahay at mahigpit na sundin ang minimum health protocols.
- Latest