'Bloody Sunday' casualties sa Calabarzon ayaw pang tawaging aktibista ng local PNP
MANILA, Philippines — Habang gumugulong ang imbestigasyon ng otoridad, ayaw munang magsalita ng lokal na Philippine National Police (PNP) kung aktibista ba o rebeldeng New People's Army (NPA) ang siyam na napatay sa magkakahiwalay na raid ng gobyerno sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal nitong Linggo.
Ito ay kahit na una nang kinilala ng BAYAN atbp. progresibong grupo bilang kanilang mga miyembro ang siyam na napatay sa operasyon ng PNP kahapon sa Calabarzon — bagay na tinatawag nang "Bloody Sunday" ng mga kritiko.
Basahin: 9 aktibista sa Calabarzon hindi dapat pinatay ng PNP kung 'di armado — Palasyo
Kaugnay na balita: 9 killed in anti-activist raids in Calabarzon
"'Yan po ang ating iniimbestigahan pa po sa ngayon," ayon kay Police Lt. Col. Chit Gaoiran, tagapagsalita ng Laguna Provincial Police Office sa panayam ng dzBB, Lunes.
"Wala pa po tayong final na data about that kung sila ay may mga previous cases: involved po ba sila sa mga iba pang illegal activities, kung sila man po ay parte ng isang grupo, ano pong mga grupo ito, criminal gangs o kung ano pang mga grupo. 'Yan po ay ating inaalam."
Ani Gaoiran, ang klaro lang daw sa ngayon ay nahulihan sila ng "loose firearms" at "nagkapalitan ng putok," bagay na walang katotohanan ayon kina BAYAN secretary-general Renato Reyes Jr. kanina.
Kasama sa siyam na napatay si Manny Asuncion, coordinator ng BAYAN-Cavite. Patay din sa insidente ang mag-asawang sina Chai Lemita at Ariel Evangelista, staff members ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwasak ng Kalikasan at Kalupaan (Umalpas Ka).
"Lahat po ng inaresto, lahat ng pinatay... all of them were legal activists. They are unarmed... Sila po ay mga legal activists publicly known, they are known by their communities, they are staying in their homes," sabi ni Reyes sa isang press briefing.
"They are not personalities of alleged communist-terrorist group as the PNP claims. Hindi po sila mga armadong rebelde."
Kung hihimay-himayin, narito ang mga napatay kada erya:
- Rizal (6)
- Batangas (2)
- Cavite (1)
Ayon naman kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana, nasa Police Regional Office 4A na ang bola na magpaliwanag pagdating sa mga kritisismo ng naturang operasyon. Gayunpaman, lehitimo raw ang mga search warrants na inilabas ni First Vice Executive Judge Jose Lorenzo dela Rosa ng Manila Regional Trial Court Branch 4.
Kanina lang nang sabihin ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Bong Labog na sa Dasmariñas, Cavite pinuntahan ng PNP si Asuncion kahit na sa bahay niya sa Rosario naka-address ang search warrant. Gayunpaman, sinabi ni Gaoiran na parehong may warrant laban kay Asuncion sa dalawang lugar.
Kaugnay na balita: Up to regional police to explain, but PNP stands by bloody raids
CHR sa serye ng pagpatay, pag-aresto
Nananawagan naman ngayon ng agarang imbestigasyon si Commission on Human Rights (CHR) Jacqueline de Guia pagdating sa mga nangyari sa Southern Tagalog, bagay na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng anim.
"Where the right to life is concerned, the government has the utmost obligation to fulfill its obligation—no matter which side of the political spectrum one belongs," paliwanag ni De Guia kanina.
"It is the supreme duty of the State to protect the right to life. Hence, all necessary actions must be done to demonstrate our genuine regard for life and to truly address the impunity and stop further killings."
Nababahala rin daw ang CHR lalo na't nangyari raw ito matapos ang March 5 statement ni Pangulong Rodrigo Duterte na "barilin at patayin agad" ang mga komunistang may baril, "at huwag nang isipin ang human rights."
Kahit na tutol sina De Guia sa armadong pagpapatalsik ng gobyerno, hindi raw dapat talikdan ng estado ang tungkuling respetuhin ang karapatang pantao.
"There are also rules of conduct that public officials and employees must observe, as required by Republic Act No. 6713 or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees," dagdag pa niya.
"CHR stresses again that the government should combat impunity and demonstrate genuine adherence to the rule of law by investigating the deaths and attacks against activists, as well as all other allegations of extrajudicial killings of human rights defenders. No perpetrator must be spared from the full force of law." — may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest