Abogada na anak ng mayor nadale ng ‘Basag-Kotse’
ANGELES CITY, Philippines — Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad matapos mabiktima ng hinihinalang mga miyembro ng “Basag Kotse Gang” ang isang abogada na anak ng alkalde ng lungsod sa loob ng isang kilalang golf course sa bayan ng Porac kamakalawa.
Sa ulat sa tanggapan ni Porac Police Station commander P/ Lt. Colonel John Bernard Tacdoy, kinilala ang nabiktima ng “basag-kotse” na si Atty. Rafaela Lazatin, anak ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr.
Sinasabing nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-2:00 hanggang 3:00 ng hapon habang abala sa paglalaro ng golf ang abogada. Nang kanilang balikan ang kotse para umuwi, makalipas ang ilang oras ay laking gulat ng biktima at mga kasamang kaibigan nang makitang basag na ang salamin ng bintana at nawawala na ang mahahalagang gamit.
Agad na ipinagbigay-alam sa guwardiya ng Grand Palazzo Royale Golf Course ang insidente na umaasang mahahabol o mahuhuli pa ang kawatan.
Sinabi ni Angeles City Police director P/Col. Joyce Patrick Sangalang na nire-review na nila ang mga CCTV footages sa lugar. Aniya, mayroon na silang “person of interest” na posibleng may kinalaman sa pagnanakaw.
- Latest