Bulacan drug ops: 1 tigok, 17 kulong
MANILA, Philippines — Isang sinasabing kilabot na ‘tulak’ ang napatay ng mga pulis matapos umanong manlaban habang labimpitong iba pa ang naaresto sa isinagawang sunud-sunod na drug operation sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan, Biyernes ng magdamag.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng punglo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Joshua Santiago, 24, residente ng Brgy. Pinagbarilan sa bayan ng Baliwag habang patuloy na tinutugis ang nakatakas nitong kasabwat.
Kasalukuyan namang nakadetine ang labing pitong suspek na naaresto ng pulisya mula sa mga bayan ng San Jose del Monte City, Meycauayan City, Pulilan, Santa Maria, Hagonoy, Bocaue, at San Rafael.
Sa ulat ng Baliwag Police dakong alas-12:50 ng madaling araw ay nagkasundo ang poseur buyer na pulis at suspek na si Santiago na magkita sa isang lugar sa Brgy. Tarcan sa naturang bayan para sa bentahan ng droga.
Sa gitna ng transaksyon ay nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal kung kaya’t agad na bumunot ng armas ngunit naging maagap ang pulisya na ikinasawi ng suspek habang mabilis namang nakatakas ang kasabwat nito.
Narekober sa lugar ng insidente ang isang kalibre .38 baril, anim na pakete ng shabu, P500 marked money habang narekober naman sa mga naarestong suspek ang 45 pakete ng shabu, marked money at mga drug paraphernalias.
- Latest