5 karnaper patay sa shootout
MANILA, Philippines – Limang notoryus na karnaper ang napaslang matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya na nagbabantay sa Comelec checkpoint sa kahabaan ng national highway sa Barangay Sapang Cauayan, Muñoz City, Nueva Ecija kahapon ng madaling araw.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-3 ng madaling araw nang makasagupa ang mga karnaper sa inilatag na Comelec checkpoint sa nasabing barangay.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Rudy Lacadin, PNP regional director na nakatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay sa kinarnap na traysikel na pag-aari ni Macario de la Cruz sa Purok 2, Bacal 3 sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.
Agad namang nag-flash alarm ang Talavera PNP sa mga presinto ng pulisya kabilang ang mga nagbabantay sa checkpoint.
Hinarang naman ang mga suspek sa checkpoint na binabantayan ng mga tauhan ng Regional Public Safety Battalion sa pamumuno ni P/Supt. Ponciano Zafra.
Gayon pa man, tumangging sumailalim sa inspeksyon sa checkpoint ang mga suspek na lulan ng traysikel kung saan binangga pa ang signages saka pinaputukan ang mga pulis kaya sumiklab ang putukan hanggang sa mapatay ang lima.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng lima habang narekober naman ang limang cal. 38 revolver, mga bala, motorsiklo at ang traysikel na pag-aari ni Macario.
- Latest