Binata sinaksak ng binatilyong kapitbahay, patay
SAN ANTONIO, Quezon, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 28-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ng lasing na menor-de-edad na kapitbahay sa Barangay Sampaga sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nagtamo ng malalalim na saksak sa ibat-ibang parte ng katawan ay kinilalang si Paul, binata habang tumakas naman ang suspek na si Dave, 17-anyos.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Bhembo K. Santander, officer on case, nakikipag-inuman sa harapan ng kanyang bahay sa iba pa niyang mga kapitbahay ang suspek dakong alas-7:55 ng gabi.
Maya-maya ay dumating umano ang biktima at kinompronta ang suspek hanggang mauwi sa suntukan.
Sa gitna ng suntukan ay nakakuha ng patalim ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima saka mabilis na tumakbo papatakas dala ang patalim na ginamit sa krimen.
- Latest