5-anyos anak ng pulis binaril habang naglalaro, grabe
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang 5-taong gulang na batang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Urban Poor Subdivision sa Brgy. Ayuti, Lucban, Quezon
Ayon sa ulat ng Lucban Municipal Police Station (MPS) kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ruben Lacuesta, kasamang naglalaro ng biktimang si alyas “Jane” ang kaniyang kapatid na lalaki sa terrace ng kanilang bahay nang biglang dumating ang suspek na nakasuot ng pulang hoodie jacket at nakasakay sa isang motorsiklong Honda Click dakong ala-1:50 ng hapon.
Walang anumang maliwanag na dahilan, pinagbabaril ng suspek ang biktima gamit ang kalibre .45.
Nagtamo ng tama ng bala ang bata sa kanang braso at tiyan at mabilis na isinugod sa MMG Hospital para lapatan ng lunas, samantalang mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente at ngayon ay tugis na ng mga otoridad.
Sinisilip ng pulisya na posibleng kaaway ng amang pulis ang suspek at pinuntirya ang anak nito na barilin bilang ganti rito.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Lucban PNP upang malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo nito sa pamamaril sa bata.
- Latest