NPA rebel utas sa bakbakan sa Borongan City
MANILA, Philippines — Napaslang ang isang pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Pinanag-an, Borongan City, Eastern Samar nitong Hunyo 15.
Sa ulat ng Army’s 8th Infantry Division (ID), ang nasawing rebelde ay kinilalang si Joemar Discar, gumagamit ng mga alyas na “Guimo” at “Bobby”.
Bago ang bakbakan, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Brig. Gen. Noel Vestuir, Commander ng Army’s 802nd Infantry Brigade (IB) mula sa mga sibilyan sa presensya ng mga armadong rebelde na nangongotong ng pera at pagkain sa lugar.
Agad na nagresponde ang mga sundalo na nauwi sa bakbakan at tumimbuwang si Discar na nasawi noon din sa insidente na inabandona ang bangkay nito ng mga nagsitakas nitong kasamahang rebelde.
Narekober naman sa pinangyarihan ng sagupaan na tumagal ng 5 minuto ang isang M653 armalite rifle, limang maiikling magazine, bandoliers, tatlong backpacks at subersibong dokumento.
Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga nalalabi pang rebelde na magsisuko sa tropa ng pamahalaan at landasin ang pagbabagumbuhay.
- Latest