Mayor Ilagan, hinamong lumantad
BATANGAS, Philippines – Hinamon ni Mataas na Kahoy Vice Mayor Henry Laqui ng Batangas si Mayor Jay Ilagan na lumantad at harapin ang mga sinasabing kasong kriminal laban sa kanya.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Laqui na hindi nararapat sa mamamayan ng bayan ng Mataas na Kahoy na pagkaitan sila ng serbisyo publiko dahil sa mga kasong kinakaharap ni Mayor Ilagan.
Base sa rekord, si Ma-yor Ilagan ay nahaharap sa kasong kriminal na ipinalabas ng korte at inisyuhan ng warrant of arrest.
Sinabi ni Laqui na hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ni Ilagan na “politically motivated” ang mga kaso laban sa kanya para hindi harapin ang mga ito.
Iginiit naman ni ex-Councilor Sonia Katigbak-Galicia, kung wala talagang katotohanan ang mga kaso laban kay Mayor Ilagan ay dapat niya itong tugunan sa korte upang patunayan ang kanyang pagiging inosente.
“Patunayan mo na ikaw ay tunay na punong bayan na nagmamahal sa ating mamamayan. Patunayan mong inosente ka sa mga kaso, lumabas ka at sagutin ang kaso mo sa korte,” dagdag pa ni Galicia.
Samantala, pinanumpa ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Vice Mayor Laqui bilang acting mayor sa nasabing bayan.
Nilinaw naman ni Laqui na handa siyang bumalik sa pagiging vice mayor kung lalantad na si Ilagan at gagampanan ang kanyang tungkulin.
Hindi naman nagbigay ng panig ang kampo ni Mayor Ilagan.
- Latest