Lider ng RAM na sangkot sa double murder, sumuko
MANILA, Philippines - Matapos ang mahabang panahon, sumuko na sa Philippine Army ang lider ng Reformed the Armed Forces Movement (RAM) na si (ret.) Lt. Col Eduardo “Red” Kapunan, pangunahing suspect sa pagpatay sa lider manggagawa na si Rolando “Ka Lando“ Olalia at driver nitong si Leonor Alay-ay matapos ang Edsa Revolution noong 1986, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon sa mataas na opisyal ng Philippine Army na tumangging magpabanggit ng pangalan, si Kapunan ay sumurender kay Army Commanding General Lt. Gen. Emmanuel Bautista noon pang Sabado.
Si Kapunan ng Philippine Air Force ay dating lider ng RAM na naglunsad ng coup de etat laban sa rehimen ni dating Pangulong Corazon Aquino na dumanas ng 7 bigong kudeta noong dekada 80.
Isinailalim naman sa kustodya ng Custodial Management Unit (CMU) ng Philippine Army si Kapunan base na rin sa kahilingan nito.
Si Kapunan ay mistah nina dating PNP Chief at ngayo’y Senador Panfilo Lacson at Senador Gregorio Honasan sa Philippine Military Academy Class 1971.
Nabatid na ang pagsuko ni Kapunan ay bahagi ng pagpapatuloy ng pagdinig sa kaso nito sa pagpaslang kay Olalia at driver nito sa Antipolo City noong Nobyembre 13, 1986.
Samantala, naghain na rin ng petisyon sa korte si Kapunan para makapagpiyansa sa kasong kaniyang kinasasangkutan.
Kaugnay nito, kinuwestiyon naman ni Atty Edre Olalia, pinsan ni Ka Lando ang pagsasailalim sa kustodya ng Philippine Army sa sumukong si Red Kapunan.
Nanawagan rin ito sa 11 pang RAM members na sangkot sa krimen na magsisuko na sa batas kaugnay ng patuloy na paghahanap nila ng hustisya sa pagkamatay ni Ka Lando.
- Latest
- Trending