Dealer ng uling, pinugutan ng ulo ng helper
MANILA, Philippines - Dahilan sa paninita sa paghagod ng tingin sa kaniyang magandang misis, pinugutan ng ulo matapos na pagtatagain ng isang 23-anyos na helper ang amo nitong dealer ng uling pagkaraan ng mainitang pagtatalo sa bayan ng Surallah, South Cotabato nitong Huwebes.
Sa phone interview, kinilala ni Surallah Chief of Police P/Supt. Jemuel Siason ang biktima na si Tollier Marcelo, 45-anyos, residente ng Sitio Lambusong, Brgy. Colongulo, Surallah ng lalawigan.
Arestado naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek na si Dizon Tualang Decan, 23- anyos na inamin ang krimen.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Siason, naganap ang krimen bandang alas-11 ng tanghali sa ulingan na pag-aari ng biktimang si Marcelo sa nasabing lugar.
Base sa pahayag ng suspek sa mga imbestigador, nagdilim umano ang kaniyang isip matapos na pagmumurahin ng seloso umanong biktima na pinagbibintangan siyang kinukursunada umano ang misis nito gayong napapatingin lang siya sa ginang. Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang hagipin ng suspek ang isang bagong hasang itak at pagtatagain ang amo na naputol ang ulo sa insidente.
Sinabi ni Siason na nakapatong pa sa katawan ng biktima ang duguang naputol nitong ulo nang magresponde sa pinangyarihan ng krimen ang kaniyang mga tauhan.
- Latest
- Trending