3 truck nagkarambola: Driver dedo, 3 sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang driver ng cargo truck habang sugatan naman ang pahinante nito at dalawa pang katao makaraang makabanggaan nito ang dalawa pang truck kabilang ang isang 10 wheeler truck na kargado ng mga materyales sa kontruksiyon sa bayan ng Makilala, North Cotabato noong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Kevin Charl dela Cruz, 34-anyos, driver ng rumaragasang truck na nawalan ng preno.
Sugatan namang isinugod sa pagamutan ang mga biktimang sina John Ford Monrerona, 21-anyos, pahinante Jude Magtulis, 25, driver naman ng freezer cargo truck at Ahron Duran, 20-anyos.
Sa ulat nawalan umano ng preno ang cargo truck na minamaneho ni dela Cruz bunsod upang mawalan ito ng kontrol sa manibela habang bumabagtas sa pababang bahagi ng national highway sa Brgy. Malasila, Makilala.
Bunsod nito, bumangga ang cargo truck sa 10-wheeler truck habang sa lakas ng pagkakabangga ay nahagip din ang isa pang freezer truck na nasa unahan nito.
Batay sa salaysay ng mga residente, mabilis ang takbo ng cargo truck pababa matapos mawalan ng preno na halos isang kilometro bago nito araruhin ang sasakyang nasa unahan. Parehong bumibiyahe patungong Kidapawan City mula Davao ang dalawang truck.
Sa lakas naman ng pagkakabangga sa likuran ay umikot ang freezer truck bago tumaob patagilid kaya nagkalat sa kalsada ang karga nitong mga Magnolia ‘dressed chicken’.
- Latest
















