18-anyos dalaga pinatay, binalot sa dahon ng saging!

MANILA, Philippines — Dahil sa umaalingasaw na amoy, isang bangkay ng 18-anyos na dalaga na nakabalot sa dahon ng saging ang nadiskubre sa isang lugar sa Sitio Camaysihay, Barangay Gacao, Palo, Leyte, nitong Huwebes (Nobyembre 26) ng umaga.
Ayon sa Palo Municipal Police Station, naaagnas na ang bangkay ng babae nang matagpuan ng awtoridad at nakitaan ng saksak sa dibdib at mga sugat ng katawan na posibleng ugat umano ng kamatayan nito.
Sinabi ni P/Lt. Bonifacio Kabata, deputy chief ng Palo Municipal Police Station, ang nasabing bangkay ay positibong kinilala ng kanyang pamilya na si alyas “Sandra,” residente sa nasabing lugar, sa pamamagitan ng suot nitong tsinelas at ang tattoo nito sa paa.
Ayon sa pamilya ng biktima, huli nilang nakasama ang dalaga noong Nobyembre 24 o Martes ng umaga at umalis siya sa kanilang bahay at bigo nang makauwi.
Sinasabing ang biktima ay kakauwi pa lamang sa kanilang probinsya noong Oktubre mula sa pagtatrabaho sa Maynila.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito para malaman ang nasa likod ng krimen at para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
- Latest















