Magsasaka sinunog nang buhay
DOÑA REMEDIOS TRINIDAD, BULACAN ,Philippines – Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang magsasaka makaraan itong sunugin nang buhay habang natutulog sa tinitirhang kubo sa isang bulubunduking lugar sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Halos hindi na makilala ang katawan at mukha ng biktima bunsod ng tinamong sunog sa buong katawan na kinilang si Wakit Bangubong 35, tubong Nueva Vizcaya at residente ng Sitio Silao,Brgy.Camachin ng bayang ito.
Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-10 ng gabi nang bigla na lamang sumulpot sa lugar ang hindi pa nakilalang mga salarin.
Sinilip pa umano ang hindi pa mabatid na bilang ng mga kalalakihan at ng makumpirmang nasa loob ang biktima na mahimbing na natutulog ay agad na binuhusan ng gasolina ang palibot ng kubo saka sinilaban.
Dahilan yari lamang sa pawid at kawayan ang kubo ay mabilis itong naglagablab hanggang sa maabo kung saan nabigo ng makalabas ang biktima na nasawi noon din sa insidente.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang direskyon.
Isinasailalim pa ng mga imbestigador sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen.
- Latest
- Trending