4 patay sa landslide
MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang apat na miyembro ng pamilya kabilang ang batang babae matapos na maguhuan ng tipak-tipak na bato mula sa kabundukan sa Barangay Bunuanan, Catbalogan City, Samar kamakalawa.
Kinilala ang mag-iinang Maricel Bulan at mga anak na sina Carla, Carlo, at ang 2-anyos na si Mary Carl.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-3:45 ng madaling-araw nang gumuho ang lupa kung saan bumagsak sa tahanan ng mga biktima na nasa paanan ng bundok.
Ang tahanan ng pamilya Bulan ay kabilang sa walong kabahayan na natabunan ng tipak-tipak na bato sa nasabing lugar.
Ang bangkay ng mga biktima ay magkakasunod na narekober kamakalawa ng hapon matapos na magresponde ang search and rescue team ng lokal na pamahalaan.
Samantala, ang mga naapektuhang residente ay pansamantala namang kinukupkop sa evacuation center sa nasabing bayan.
- Latest
- Trending