2 pulis todas sa riding in tandem
MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan sa Cainta, Rizal at San Francisco, Agusan del Sur kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-8:15 ng gabi ng pagbabarilin ng riding in tandem si P02 Henry Florendo, 40, may-asawa, nakatalaga sa Provincial Internal Affairs Service ng Cainta Police sa bahagi ng highway sa Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.
Idineklarang dead-on-arrival sa Metro Doctors Hospital sa tatlong tama ng bala ng cal .45 pistol sa dibdib ang biktima.
Sa imbestigasyon na isinagawa ni PO2 Auggie Bidaure, abala ang biktima sa pagkakarga ng tangke ng gas sa isang sasakyan ng biglang sumulpot ang mga armadong salarin at walang sabi-sabing pinagbabaril ito saka tumakas lulan ng Honda Wave na walang plaka.
Sa isa pang insidente, patay ang isang aktibong miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) makaraan itong pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem sa national highway ng Brgy. Hubang, San Francisco, Agusan del Sur bandang alas-3:45 ng hapon.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 13 Spokesman P/Supt. Martin Gamba ang nasawing biktima na si PO3 Jhonny Gerodias, nakatalaga sa HPG na nakabase sa Barobo, Surigao del Sur.
Kasalukuyang lulan si Gerodias ng HPG single motorcycle model XR-200 (SL7010) galing Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur patungong bayan ng San Francisco nang pagbabarilin ng mga salarin na magkaangkas sa kulay itim na Honda XRM motorcycle pagsapit sa lugar na siya nitong dagliang ikinamatay.
- Latest
- Trending