Buntis na sinalvage bantay sarado
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Bantay sarado ngayon ang isang buntis na ginang sa pagamutan matapos itong himalang makaligtas sa summary execution ng dalawang parak nang 24 beses pagsasaksakin, barilin at itapon pa sa bangin sa bayan ng Pagsanjan, Laguna kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) IV-A Director Chief Supt Samuel Pagdilao, ipinag-utos na niya ang 24 oras na pagbabantay sa pagamutan sa biktimang si Grace “Gleng Gleng “ Capistrano, 22.
Si Capistrano ay dinukot sa Angono, Rizal kamakalawa ng umaga at tinangka ring iligpit ng mga nasakoteng pulis na sina PO2 Mario Natividad ng Region 4A Police Office at PO1 Antennor Mariquit ng Cainta Police Station; pawang nahaharap sa kasong robbery/extortion.
Sinasabing natatakot ang pamilya ng biktima at sa pakiramdam nila sa kabila na ng naaresto na ang dalawang parak ay maaring may pakilusin pa ang mga ito para tuluyang patayin ang ginang.
Ayon naman kay Laguna Police Director Sr. Supt. Gilbert Cruz, inaresto ang dalawang pulis matapos na positibong ituro at kilalanin ni Capistrano na nagtamo ng napakaraming mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at isang tama ng bala ng baril sa hita.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang ginang ay dinukot ng dalawang pulis kasabwat ang dalawang iba pa upang patahimikin dahilan testigo ito sa kanilang kinakaharap na kaso. Patuloy pang pinaghahanap ang dalawang suspek na kasabwat sa krimen, isa rito ay nakilala sa alyas na Toto.
Matapos saksakin at barilin, itinapon pa sa isang bangin si Capistrano na sugatang gumapang hanggang makahingi ng tulong sa isang driver na nagmalasakit ritong magdala sa pagamutan bandang alas-9:30 ng gabi.
Sinabi pa ni Pagdilao na sinampahan na ng kasong kriminal at administratibo kabilang ang grave misconduct at abduction laban sa dalawang tiwaling parak. Dagdag na ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending