Pamilya natabunan ng landslide
LAGAWE, Ifugao, Philippines — Isang bata ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos silang matabunan ng landslide dahil sa sobrang lakas ng ulan kamakalawa sa bayan ng Banaue.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Romeo Licyayo, ang nasawi ay nakilalang si Jayson Bantayan Ganggangan, 6-taong gulang, grade 1 pupil at nakatira sa Barangay Palitong View Point, Banaue.
Himalang nakaligtas naman ang mga biktimang sina Dadaan, 70; asawa nitong si Isabel, 67, at apo na si Jayjay, 4 taong gulang.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon noong Miyerkules nang bumuhos ang malakas na ulan sa bayan ng Banaue hanggang sa magresulta ito sa landslide at matabunan ang bahay ng nasabing pamilya.
Biglang lumambot ang lupa dulot ng malakas na ulan kaya gumuho ang lupa mula sa bundok at natabunan ang tahanan ng mga biktima.
Kaagad namang sumaklolo ang mga kapitbahay at itinakbo ang mga biktima sa Good News Clinic subalit nasawi si Jayson. Himalang nakaligtas naman ang 3 biktima at kasalukuyang nasa ligtas nang kalagayan sa pagamutan.
- Latest
- Trending