Lolo kinuyog ng mag-aama, todas
MANILA, Philippines - Pinagtulungang gulpi hin at pagtatagain hanggang sa mapatay ng mag-aama ang isang 60-anyos na biyudong lolo habang nasa kritikal namang kondisyon ang anak nitong lalaki sa Himamaylan City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Elisio Ruben habang patuloy namang isinasalba sa ospital sa Bacolod city ang anak nitong si Jovie, 31.
Sa follow-up operation ng pulisya, nadakma naman ang mag-aamang sina Reymundo, 40; Jose, 53; at Ronald; pawang may apelyidong Matutina na nakatira sa Sitio Bajay, Barangay 3.
Sa police report na nakarating kay P/ Supt. Antonietto Canete, ang mag-ama ay kinuyog at pinagtataga ng mga suspek sa loob ng bahay noong Lunes ng gabi habang naghahanda na para matulog ang mag-amang Ruben.
Inaresto ang mga suspek na sinasabing namataan ng ilang residente na bumaba sa tahanan ng mag-ama bitbit ang duguang itak ilang oras bago nadiskubre ang krimen.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga suspek na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal.
Pinaniniwalaang alitang pampamilya ang isa sa motibo ng krimen.
- Latest
- Trending